Kasalukuyang inoobserbahan sa isang pagamutan sa Malabon ang mga biktima na nakilalang sina Fernando, Ruby Ann at Haide na pawang miyembro ng pamilya Cruz at mga residente ng Block 8, Phase 2, Dagat-Dagatan, Malabon City at isang Ferdilyn Solis ng Caloocan City.
Batay sa ulat, dakong alas-11 ng tanghali nang bumili ng isang kilo ng isdang tuna sa palengke sa Navotas si Rodolfo, tatay ng mga biktimang Cruz at agad na iniluto at iniulam sa kanilang pananghalian sa araw na iyon.
Nabatid na sampung minuto makaraang makakain ng nasabing isda ang tatlong biktima ay halos sabay-sabay na nakaramdam ng pagkahilo, pagsusuka at pagsakit ng tiyan kung saan agad silang itinakbo sa pagamutan.
Ilang minuto rin ang nakalipas ay itinakbo rin sa pagamutan ang biktimang si Solis na nakaramdam rin ng nasabing mga sintomas matapos na kumain din ng isda na nabili sa palengke ng Navotas.
Sinisi naman ng mga residente ang umanoy maruming kapaligiran sa Navotas Fish Port at ang Navotas Waste Facility na umanoy bumubuga ng toxic fumes na posibleng nagdadala ng lason at bacteria sanhi upang maging kontaminado ang ilang ibinebentang isda rito. (Ulat ni Rose Tamayo)