Tagahanga ni FPJ todas sa pagtatanggol sa idolo

Isang masugid na tagahanga ng action king na si Fernando Poe Jr. ang sinaksak hanggang sa mapatay dahilan sa pagtatanggol sa planong pagtakbong pangulo ng kaniyang idolo sa darating na 2004 national elections sa naganap na insidente sa lungsod ng Maynila kahapon ng madaling-araw.

Namatay habang ginagamot sa Jose Reyes Memorial Medical Hospital sanhi ng isang malalim na saksak sa kaliwang dibdib ang biktimang si Rodel Llorente, 32, ng Rizal Avenue,Sta Cruz ng nasabing lungsod.

Base sa imbestigasyon ng Western Police District (WPD) homicide division, dakong alas-3 ng madaling-araw nang maganap ang insidente habang masayang nag-iinuman ang biktima at ang suspect na si James Nana ng #1756-B Oroquieta St. Sta Cruz.

Habang nag-iinuman ay pinag-usapan ng dalawa sa darating na eleksyon nang mapadako ang usapan kay FPJ ay sinabi ng biktima na malakas umano ang dating sa pagka-presidente ng kanyang idolo. Subalit hindi umano pumabor ang suspect sa tinuran ng biktima na nauwi sa mainitang pagtatalo hanggang bumunot ito ng patalim at pagsasaksakin ang nabiglang biktima.

Duguang bumulagta ang biktima sa tinamong malalim na saksak sa dibdib habang mabilis namang tumakas ang suspect.

Patuloy namang pinaghahanap ng pulisya ang suspect na mabilis na tumakas matapos ang naturang insidente dala ang patalim na ginamit sa kanyang pamamaslang. (Ulat ni Gemma Amargo)

Show comments