Lola nahulihan ng mga baril

Hindi na nagawa pang makatakas ng isang 58-anyos na lola matapos na madakma ng mga tauhan ng National Capital Region-Maritime Group (NCR-MG) nang tangkain nitong ipuslit ang tatlong baril na paltik mula sa Danao City sa Cebu kahapon ng umaga sa Port Area.

Kinilala ni Supt. Ferdinand Yuson, NCR-Maritime Group chief ang nadakip na suspect na si Carolina Mamaca, 58, tubong Law-ang, Samar ng Riles, Divisoria, Tondo, Manila.

Ayon sa ulat, dakong alas-9:30 ng umaga nang maispatan ng mga tauhan ng Intelligence Unit ng NCR-MG ang suspect palabas ng Pier 12, North Harbor, Tondo Manila na parang ‘cowboy’ na may nakasukbit na tatlong kalibre .38 baril na paltik sa beywang.

Nakuha umano ni lola Carolina ang mga baril sa isang kontak sa isa sa mga nakadaong na bangka sa pantalan na ipinapalagay na buhat sa Danao City sa Cebu na kilala sa paggawa ng mga paltik na boga.

Inamin ng nadakip na lola na kinuha siya ng isang nagngangalang Adela na taga-Tondo upang sumalubong at magbitbit ng nasabing mga paltik na baril kung saan tumatanggap siya ng bayad na P500 sa bawat isang baril.

Bukod sa mga nasamsam na baril, nakuha rin kay lola ang listahan pa ng mga order ng iba’t ibang baril na nagkataon naman na nakalagay sa listahan ay ‘out of stock’. (Ulat ni Rose Tamayo)

Show comments