Ayon sa ulat, kahapon anim na asong gala ang sumailalim sa lethal injection. Ang mga ito ay yaong nahuli sa nasabing bayan at hindi natubos ng tunay na may-ari sa loob ng tatlong araw.
Ayon kay Joebe Gonzales, hepe ng municipal agriculture office na anim sa kabuuang 32 asong gala ang nahuli ang sumailalim sa lethal injection kahapon ng umaga.
Ayon kay Gonzales, ang parusa ay bilang pagsunod sa ordinansang ipinatutupad ng lokal na pamahalaan na ang bawat mahuhuling hayop na gumagala sa lansangan at hindi matutubos sa loob ng tatlong araw ay paparusahan ng kamatayan.
"Kailangang gawin natin yan kasi kung hindi ay mangangailangan ang lokal ng malaking pondo para sa pagkain ng dumaraming bilang ng mga nahuhuling gumagalang hayop," dagdag pa ni Gonzales.
Kasabay nito nagbabala rin ang lokal na pamahalaan sa mga residente na huwag hahayaang gumala ang kanilang mga alagang aso upang makaligtas sa posibleng hatol na bitay.
Nabatid na umaabot na sa 200 asong gala ang naparusahan ng kamatayan simula nang ipatupad ang municipal ordinance 2002-03 noong Hulyo 8, 2000.
Layunin ng naturang ordinansa na panatilihing malinis ang buong kapaligiran ng bayan at maging ligtas sa posibleng rabbies na makukuha sa kagat ng mga aso dahil na rin sa pagdami ng bilang nito. (Ulat ni Ricky Tulipat)