Nursing student patay sa rambol

Isang nursing student ang iniulat na nasawi makaraang pagsasaksakin ng lima niyang kamag-aral sa naganap na rambulan sa tapat mismo ng kanilang paaralan sa Quezon City kamakalawa ng gabi.

Nakilala ang nasawing biktima na si Roy Cenas, 23, binata, graduating student sa Our Lady of Fatima College at naninirahan sa Francisco Homes San Jose Del Monte, Bulacan.

Apat sa mga suspect na pawang mga menor de edad ang dinakip ng pulisya na pawang mga kamag-aral ng nasawi.

Ayon kay PO2 Joseph Madrid, may hawak ng kaso na dakong alas 6:30 ng gabi ng maganap ang insidente sa tapat ng nabanggit na paaralan na nasa Hill Top Subdivision sa Lagro, Novaliches.

Ayon sa ulat, naglalakad lamang ang biktima kasama ang kapatid nitong si Romeo at tatlong kaibigan nang biglang harangin ng mga suspect at ilang sandali ay nagrambulan na ang magkabilang grupo.

Matapos ang ginawang pananaksak sa biktima ay mabilis na nagsitakas ang mga salarin na nadakip naman sa isinagawang follow-up operation. Isa pa ang pinaghahanap ng pulisya.

Habang ang biktima naman ay isinugod sa pagamutan subalit hindi na umabot pang buhay.

Ayon pa sa ulat, matagal na umanong may alitan ang magkabilang grupo hanggang sa mag-krus nga kamakalawa ang kanilang mga landas. (Ulat ni Angie dela Cruz)

Show comments