6 holdaper patay sa shootout

Anim na armadong kalalakihang pinaniniwalaang miyembro ng robbery/holdap gang na lulan sa dalawang van ang iniulat na nasawi sa naganap na running gun battle sa pagitan ng mga kagawad ng WPD makaraang hindi huminto sa itinatag na checkpoint sa San Andres, Maynila kahapon.

Lima sa mga suspect ang hindi na umabot pang buhay makaraang isugod sa Ospital ng Maynila, habang ang isa pa ay nasawi habang nilalapatan ng lunas sa naturang pagamutan.

Dalawa sa mga suspect ang nakilala sa pamamagitan ng driver’s license na nakuha sa kanilang pitaka, Ito ay sina Romeo delos Santos at Cenando Lamo.

Nakuha naman ang ilang identification card sa iba pang mga suspect na may pangalang Edwin Galang, Teodoro Abando, Edgar Bermudo at isang PO1 Sherwin Esguerra.

Ayon kay Inspector Edgardo Ronquillo, deputy chief ng WPD Anti-Carnapping Unit na siya ring team leader ng pulis na nagsagawa ng checkpoints sa may Quirino Highway sa panulukan ng Singalong Street na nasabat nila dakong ala-1:32 ng hapon ang kulay maroon na Hyundai van at tinangka nilang parahin dahil sa wala itong plaka.

Sa halip na huminto, pinaharurot pa ng sakay nito ang van kasunod ang isang Tamaraw FX na may plakang PCX-777 sanhi upang habulin nila ito. Nabatid na unang nagpaputok ang mga suspect habang nagkakaroon ng habulan hanggang sa makarating sa may South Super Highway.

Binanggit ni NCRPO chief Director Ricardo de Leon na sangkot ang mga suspect sa operasyon ng carnapping, kidnapping at robbery holdup.

Sinabi nito na maaaring isang bangko ang planong holdapin ng grupo makaraang madiskubre sa sasakyan ng mga ito ang malalakas na kalibre ng baril tulad ng M-16 armalite rifle, 9 mm pistol, cal. .45, mga masking tape, bonnet, pagkain at plano o sketch ng isang establisimento.

Kasalukuyang pinag-aaralan ng pulisya ang mga nakalap na ebidensiya at kinikilala ang tunay na pagkatao ng mga suspect upang mabatid ang utak ng grupo. (Ulat ni Danilo Garcia)

Show comments