5-anyos ni-rape slay ng addict

Karumal-dumal na kamatayan ang sinapit ng isang 5-anyos na batang babae na hinihinalang ginahasa muna bago pinatay sa sakal at isinilid pa sa sako bago itinapon sa isang bakanteng lote, sa lungsod ng Maynila.

Natagpuan ang bangkay ng biktima na si Gigi (di-tunay na pangalan), kindergarten pupil, sa isang bakanteng lote sa may Ilang-Ilang St., Singalong, Maynila.

Pinaghahanap naman ngayon ang hinihinalang may kagagawan ng krimen na si Ryan Zamora, nasa pagitan ng edad na 22-25 at kilalang drug addict sa naturang lugar.

Ayon kay Sr. Insp. Alex Yanquiling, hepe ng WPD-Homicide Section, natagpuan ang bangkay ng biktima dakong alas-11 kamakalawa ng gabi ng tiyuhin nito.

Nabatid na huling nakita ang biktima dakong alas-11 ng umaga nitong nakaraang Sabado habang nakikipaglaro ng bahay-bahayan sa mga kapwa bata.

Sinabi ng mga kalaro nito na tinawag ng suspect ang biktima at inutusan para bumili ng sigarilyo. Sumama naman ang suspect dito kung saan nawala na ang biktima ng dalawang araw.

Natagpuan ng kanyang tiyuhin ang biktima na nakasilid sa isang sako at nakatali ang mga kamay nito sa isang electrical wire.

Hindi na natagpuan ang suspect sa kanyang bahay nang magsagawa ng follow-up operation ang pulisya ngunit natagpuan dito ang ilang mga sako at isang rolyo ng asul na electrical wire na katulad na ginamit sa pagtali sa biktima. (Ulat ni Danilo Garcia)

Show comments