Ito ay makaraang lumantad sa media kahapon si Ysmael S. Yu, dating SAF Inspector at nagsabing apat na bagong testigo ang handang magpatunay na rub out at hindi shootout ang naganap noong Mayo 18, 1995.
Sinabi ni Yu na ang mga nabanggit na mga bagong saksi sa krimen ay magpapatotoo sa mga pahayag nina Mario Enad, Wilmor Medes at Abelardo Ramos na unang tumestigo sa kaso.
Sa kanyang affidavit, sinabi ni Yu na handang patunayan nina Senior Inspector Marlon Sapla, PO2 Gerald Antolin at PO3 Leonilo Lanceta, gayundin ni SPO1 Loreto Valle na rubout ang naganap na pagpaslang sa 11 miyembro ng Baleleng gang.
Sinabi ng mga ito na sila ay magkakasama nang isagawa ang pagsalakay sa kinaroroonan ng mga miyembro ng Kuratong sa Superville Subdivision sa Parañaque noong gabi ng Mayo 17, 1995.
Binanggit ng mga ito na buhay ang mga Kuratong members ng kanilang hulihin at nagulat na lamang sila nang ihayag sa media kinabukasan na napatay ang mga ito sa isang shootout.
Niliwanag din ng mga bagong testigo sa kanilang sinumpaang salaysay na hindi makapanlalaban ang mga suspects dahil wala namang mga armas ang mga ito. (Ulat ni Joy Cantos)