Chief of police ng Malabon, sinibak

Sinibak na bilang hepe ng Malabon City Police si Supt. Pedro Ramos matapos na maulit ang pagkakaroon ng tensyon sa pagitan nito at ng isang opisyal sa loob mismo ng naturang himpilan, kamakalawa ng hapon sa nabanggit na lungsod.

Ang utos ay nagmula kay Northern Poilce District Office (NPDO) Chief Supt. Marcelino Franco Jr. at ang ipinalit sa puwesto nito ay si Supt. Mariel Magaway, dating hepe ng NPDO-District Security Support Group (DSSG).

Ang pagsibak kay Ramos ay bunsod ng pagiging mainitin ng ulo nito at ang mainitang pakikipagpalitan nito ng putok kay Sr. Supt. Benjamin Cabiltes, na itinalagang anti-gambling czar at detachment commander ng Malabon City Hall ni Acting Mayor Mark Allan J. Yambao.

Matatandaan na noong nakalipas na Sabado sa loob ng kantina ng nasabing himpilan ay nagkaroon ng komprontasyon sa pagitan ng dalawang nabanggit na opisyal kung saan pinagmumura umano ni Ramos si Cabiltes na ikinabigla ng mga pulis na naroroon.

Binalewala naman ito ni Cabiltes at bago pa umano tuluyang umalis si Ramos ay sinabi pa nito ang mga katagang "aasta-asta ka na parang hepe rito, ako ang hepe rito at wala kang karapatan na umasta rito."

Naulit muli ang paghaharap ng dalawa kamakalawa ng hapon sa harap mismo ng desk officer ng nasabing himpilan at sa mga mamamahayag kung saan puwersahang dinisarmahan ni Ramos si Cabiltes.

Dahil dito, napilitan si C. Supt. Franco na ilagay si Ramos sa floating status sa NPDO at si Cabiltes ay mananatili bilang hepe ng City Hall Detachment ng Malabon habang isinasailalim ang dalawa sa pagsisiyasat.

Nagkaroon ng demandahan sa pagitan ng dalawang opisyal dahil sa naganap na komprontasyon. (Ulat ni Rose Tamayo)

Show comments