Galit at tangan ang ibat-ibang streamers na may nakasaad na Death for Kidnappers at Justice for Betty Chua Sy, ay dumagsa ang mahigit sa 5,000 supporters na kinabibilangan ng mga civic groups, mga estudyante at mga Filipino-Chinese businessmen sa libing ni Sy dakong alas-3 sa Ever Memorial Park sa Brgy. Lawang Bato ng nabanggit na lungsod.
Dumalo rin sa libing ni Sy si NAKTAF chief Angelo Reyes at ilang matataas na opisyal ng pamahalaan.
Nabatid na ganap na ala-1 ng hapon ng ilabas sa Funeraria Paz sa Araneta Ave. sa Quezon City ang labi ni Sy lulan ng isang kulay itim na Mercedez Benz kung saan mula rito ay nagmartsa ang mga supporters nito na pawang nakasuot ng kulay puti, pula at dilaw na damit bilang simbolo umano sa pakikipaglaban ng mga ito sa karahasang nangyayari sa bansa.
Nagtirik din ng mga kandila sa kalsada ang lahat ng mga pabrikang nadaanan habang naglagay naman ng mga puti at dilaw na ribbon sa kani-kanilang mga tahanan at sasakyan ang iba pang mga supporters ni Sy bilang pakiki-isa umano ng mga ito sa paghingi ng katarungan para sa biktima.
Magugunitang ang bangkay ng 32-anyos na si Sy ay natagpuang nakasilid sa isang plastic bag kung saan ibinalot pa sa kumot ang katawan nito at itinapon sa isang lugar sa Parañaque City, makaraang paslangin ng kanyang mga abductors noong Nob. 19 ng taong kasalukuyan. (Ulat ni Rose Tamayo)