Lalaki binoga sa Quiapo Islamic Center

Hinihinalang sigalot na naman sa droga ang naging ugat ng pagkasawi ng isang Muslim nang barilin ito ng kanyang kausap, kamakalawa ng gabi sa Quiapo, Manila.

Hindi na umabot ng buhay sa loob ng Mary Chiles Hospital ang biktimang nakilalang si Samisaing "Sammy" Tara, 27, may-asawa, at residente ng Quiapo Islamic Center.

Nahihirapan naman ang mga awtoridad na makilala ang salarin na bumaril dito dahil sa pagtanggi ng mga residente na makipagtulungan.

Sa ulat ng pulisya, nabatid na naganap ang insidente dakong alas-6 ng gabi sa naturang lugar. Kausap ng biktima ang suspect hanggang isang putok ng baril ang umalingawngaw.

Kaswal lamang umano na naglakad bago tumakas ang suspect na hinihinalang kakilala ng mga residente rito.

Sa halip naman na isailalim sa awtopsiya, mas ginusto na lamang ng mga kaanak nito na dalhin ang bangkay ng biktima sa loob ng kanilang Mosque upang mabasbasan. (Ulat ni Danilo Garcia)

Show comments