Nadiskubre ang fish kill dakong alas-5 ng umaga ng mga mangingisda at namimingwit sa baybayin ng dagat partikular sa may pampang ng Baywalk sa kahabaan ng Roxas Blvd.
Ayon sa mga namimingwit, nagulat na lamang sila nang makitang naglutangan ang mga isda na kinabibilangan ng banak, talakitok, lapu-lapu at iba pang tubig-alat na isda.
Malaki naman ang hinala ng mga tauhan ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) na nagmula sa isang barko ang nakalalasong kemikal na kumalat sa dagat.
Dahil dito, kumuha ng sampol ng tubig ang BFAR sa Manila Bay upang masuri at matukoy ang pinagmulan ng kemikal.
Pinayuhan din ng BFAR ang mga mangingisda at namimingwit na huwag kainin ang mga lumutang na isda sa posibilidad na may dala na itong nakalalasong kemikal. (Ulat ni Danilo Garcia)