Kapwa nahaharap ngayon sa kasong administratibo ang mga suspect na sina PO1 Tirso Ronsales ng Caloocan City Police Mobile Patrol Unit, residente ng Magalang St., Bagong Barrio ng nabanggit na lungsod at ang kapitbahay nito na si PO3 Ferdinand Buban ng Special Weapons and Tactics (SWAT) ng Quezon City Police.
Nasa kritikal na kondisyon naman sa kasalukuyan sa Manila University Hospital (MCU) sa Caloocan City ang mga biktimang sina Rustico Bejisena, 42; Dennis Gamayan, 22 at Reynaldo Babadilla, 25-anyos na pawang mga residente ng Bagong Barrio, Caloocan City at mga kapitbahay ng mga suspect.
Base sa isinagawang imbestigasyon ng Caloocan City Police, naganap ang insidente dakong alas-9 ng gabi sa Magalang St., Bagong Barrio kung saan una umanong nagkaroon ng awayan sa pagitan nina Roberto Sanchez at Raymond delos Reyes na pawang kapitbahay ng mga nabanggit na pulis.
Dahil sa pag-aaway nina Sanchez at delos Reyes ay lumabas sa kanyang bahay si PO1 Ronsales at sinita ang dalawa subalit hindi umano siya pinansin ng mga ito na lubusan niyang ikina-irita at dito ay kinuha niya ang kanyang .9mm service firearm at walang habas na pinaputok sanhi upang matamaan ang tatlong biktima.
Ang nasabing tagpo ay nakita naman ni PO3 Buban kung saan ay agad na sinaway nito si Ronsales sa pamamagitan ng pagpapaputok ng warning shots subalit hindi ito inalintana ng huli at dito ay naghamunan na lamang sila ng dwelo.
Bago pa man nakapag-dwelo ang mga ito ay naagapan sila ng mga rumesponding pulis. (Ulat ni Rose L. Tamayo)