Pinangunahan nina Customs Commissioner Antonio Bernardo, NAIA District Collector Celso Templo at Video Regulatory Board (VRB) chairman Bong Revilla ang pagbukas at pagkumpiska sa mga piniratang discs na nasa loob ng mahigit 50 kahon na naglalaman ng mga pelikulang banyaga at mga bold films.
Base sa ulat, ang naturang kargamento ay naka-consign kina Bobby Raval at Allan Mantley at napag-alamang dumating sa bansa lulan ng flight 5x6927, 621 at 620 noong Oktubre 12, 2003.
Napag-alaman pa kay Templo na mismong si Bernardo ang nag-text kay Paircargo Warehouse special deputy collector Horacio Suansing Jr. ukol sa natanggap niyang tip na isang malaking cargo mula sa Malaysia ang papasok ng bansa at ito ay naglalaman ng mga pirated discs kung saan ay agad na kinumpiska ang nasabing mga kargamento nang maging positibo ang nasabing impormasyon. (Ulat ni Butch Quejada)