Bebot plinantsa ang katawan bago tuluyang pinatay

Pinagpapaso ng plantsa ang buong katawan at pinahirapan bago tuluyang pinatay ang isang babae na hinihinalang biktima ng ‘summary execution’ makaraang matagpuan ang bangkay nito na nakalagay sa isang malaking kahon at nakabalot ng dilaw na tela, kahapon ng hapon sa compound ng isang simbahan sa Parañaque City.

Hanggang ngayon ay blangko pa ang pulisya sa pagkakakilanlan sa biktima dahil walang makitang identification card dito o wallet man lamang.

Ayon sa inisyal na imbestigasyon ng pulisya, dakong ala-1 ng hapon nang matagpuan ang biktima ng ilang residente sa loob ng compound ng isang simbahan sa Road 4, Reclamation Area, Barangay Baclaran sa nasabing lungsod.

Ibinalot ito sa dilaw na tela bago inilagay sa isang malaking kahon. Tadtad ito ng paso ng plantsa sa buong katawan palatandaan na matinding pahirap ang dinanas nito sa kamay ng mga salarin bago ito tuluyang pinatay.

Nakuha sa tabi ng bangkay nito ang isang pustiso at wedding ring na nakaukit ang pangalang ‘Niño’.

Patuloy pa rin ang isinasagawang imbestigasyon sa kaso. (Ulat ni Lordeth Bonilla)

Show comments