Ang hakbang ay ginawa ni Yadao makaraang supalpalin at hindi pagbigyan nito na dinggin ang argumento ng prosecution panel hinggil sa pinagtatalunang hurisdiksyon hinggil sa kung aling korte ang hahawak sa naturang kaso.
Nais ng prosekusyon na talakayin muna at desisyunan ni Yadao ang apela ng una na kailangang mailagak sa Family Court ang naturang kaso dahil ang dalawa sa mga biktima ay mga menor-de-edad.
Magugunitang unang nagsampa ng apela ang prosekusyon sa sala ni Yadao matapos naman ang ipinalabas na desisyon ng raffling committee kamakalawa na sa sala mismo ng nabanggit na Judge dedesisyunan ang ganitong apela.
Sa ginanap na pagdinig, sinabi ni Yadao kahapon na tanging noted lamang ng kanyang sala ang sagot sa apelang ito ng grupo ni State Prosecutor Jovencito Zuño dahil hindi naman umano ito naka-calendar sa kanilang gagawing pagdinig kahapon.
Nasabi lamang ni Yadao sa korte na kung may probable cause na makikita ang korte, handa naman siyang magpalabas ng warrant of arrest laban sa mga akusado sa nasabing kaso.
Sa panig naman ni Zuño, sinabi nito na dapat munang pag-usapan ang tungkol sa dalawang amended information, ang dapat sanang inuna ay ang usapin kung sa Family Court ba ito didinggin gaya ng kanilang hiling.
Kinuwestiyon din ng prosekusyon kung bakit pinayagan ni Yadao na makiisa ang grupo ni Atty. Sigfried Fortun ng defense panel sa pagdinig kung ang pag-uusapan ay ang usapin kung may probable cause laban sa mga akusado.
Sa ilalim umano ng batas, kapag ang usapin ng probable cause ang pag-uusapan, dapat hindi pinapayagan ng korte na makiisa ang defense panel.
Bunsod ng pangyayaring ito, sinabi ni Zuno na mag-uusap ang kanilang panig hinggil sa susunod nilang gagawing hakbang hinggil sa kaso.
"Hindi kami napayagang mag-present ng mga ebidensiya para maipakitang may probable cause ang kaso, kayat pag-uusapan namin ang latest action na aming gagawin tungkol dito," dagdag pa ni Zuño. (Ulat ni Angie dela Cruz)