Walang trabahong mister nahiya sa misis, nagbigti

Dahil umano sa hiya sa misis at walang makuhang trabaho, isang lalaki ang nagpakamatay sa pamamagitan ng pagbibigti kahapon ng madaling-araw sa Mandaluyong City.

Hindi na nagawang isugod sa pagamutan si Antonio Caguida, 43, residente ng 53 I. Lopez St. Brgy. Poblacion ng lungsod na ito. Ito ay nakita ng kanyang anak na nakabitin gamit ang isang nylon cord na nakapulupot sa leeg at itinali sa kisame ng kusina.

Pagbukas ng ilaw ng anak ng biktima ay laking gulat nito ng makitang nakabitin ang kanyang tatay, kaya agad na nagsisigaw ito na ikinagising ng iba pang mga kasama sa bahay.

Tinangka ng kanyang mga kasambahay na isugod sa pagamutan ang biktima subalit wala na itong buhay.

Napag-alaman na kaya nagpakamatay ang biktima ay hindi ito makakuha ng trabaho at nahihiya na ito sa kanyang misis na nagpapakain sa kanya. (Ulat ni Edwin Balasa)

Show comments