Matapos pagsasaksakin ang mga anak, nagsaksak din sa sarili ang inang suspect.
Nakilala ang magkapatid na nasa kritikal na kondisyon sa Philippine General Hospital (PGH) bunga ng tinamong mga saksak sa katawan na sina Ruby Ann, 3; at Clarize Cadaingan, 8-buwang gulang.
Kapwa lumabas ang mga bituka ng magkapatid dahil sa matinding mga saksak ng kanilang ina.
Samantala, ginagamot naman sa Pasay City General Hospital ang inang suspect na si Gina Marivic Cadaingan, 26.
Ayon sa imbestigasyon ng Pasay City police, naganap ang insidente dakong ala-1:50 kahapon ng madaling-araw sa loob ng bahay ng mag-iina sa Block 1, Lot 11, Don Carlos Village, Pasay City.
Bigla na lamang umanong kumuha ng kutsilyo ang ginang at pinagsasaksak nito ang natutulog niyang mga anak at pagkatapos ay nagsaksak sa sarili.
Ayon sa ulat, nabinat ang ginang mula sa panganganak na naging dahilan upang mawala ito sa katinuan ng pag-iisip.
Lalo pa umanong nadagdagan ang isipin ni Gina nang malamang nagbabalak nang bumalik sa tunay na pamilya ang ama ng kanyang mga anak.
Ilang kapitbahay ng mag-iina ang nagsugod sa mga ito sa pagamutan.
Patuloy pa rin ang isinasagawang imbestigasyon sa insidente.(Ulat Lordeth Bonilla)<