Misis binugbog ni mister dahil sa lutong adobo

Arestado ang isang pihikang mister makaraang pagbubugbugin nito ang kanyang misis dahil lang sa hindi nito nagustuhan ang nilutong adobo ng huli, kahapon ng tanghali sa San Juan, Metro Manila.

Kasalukuyan namang nagpapagaling sa Cardinal Santos Hospital ang biktimang si Annabele Garsain, 30, labandera, ng #34 P. Narciso St., Brgy. Corazon de Jesus, San Juan, Metro Manila.

Nakilala naman ang suspect na mister na si Randy Garsain, 30.

Batay sa ulat, naganap ang insidente dakong alas-11 ng tanghali sa loob ng kanilang bahay habang nanananghalian ang mga ito.

Sa unang subo pa lamang ay hindi na nagustuhan ng lalaki ang nilutong adobo ng biktima kung kaya agad itong nagalit at itinaob ang lamesa sabay ang pagmumura sa kanyang misis.

Nangatwiran naman ang biktima na lalong ikinagalit ng suspect hanggang simulan na siyang sakalin at bugbugin.

Naawat lamang ang pag-aamok nito dahil sa adobo ng dumating ang kapatid ng biktima na mabilis na nagsumbong sa pulisya at ipinaaresto ang una. (Ulat ni Edwin Balasa)

Show comments