Sarhentong utak sa bank robbery sumuko

Sumuko kahapon sa PNP headquarters sa Camp Crame ang isang retiradong Master Sgt. ng Phil. Army na itinuturong utak sa serye ng naganap na bank robbery sa Metro Manila.

Nakilala ang sumukong suspect na si Ret. M/Sgt. Rodolfo Romero na iniharap kahapon sa mga mamamahayag ni PNP chief Director General Hermogenes Ebdane.

Si Romero ay presidente umano ng homeowners association sa Palar Village.

Nabatid na sumuko ang suspect matapos na mahuli ang 14 pa nitong mga kasamahan sa panghoholdap sa mga bangko sa Metro Manila kabilang ang panloloob sa main branch ng Citibank sa Makati City noong nakalipas na Agosto 25.

Magugunitang sa mga isinagawang serye ng operasyon ang may 11 miyembro ng bank robbery gang ang nahulog sa kamay ng pulisya at militar sa isinagawang pagsalakay sa Palar Village sa Taguig, kamakalawa.

Nasamsam mula sa pag-iingat ng mga suspect ang dalawang M-16 rifle; apat na cal. 45 pistol; isang magnum 22; dalawang cal.38; isang shotgun; granada at mga bala, gayundin ang mga ginagamit nilang mga bonnet at guwantes.

Si Romero ay ineskortan ni Army Capt. Wendel Enterola sa pagtungo nito sa Camp Crame. Nabigo naman ang mga mediamen na makapanayam si Romero para alamin ang tungkol sa pamumuno nito sa grupo ng mga bank robbers.

Patuloy naman ang isinasagawang imbestigasyon ng pulisya laban sa mga suspect partikular na para alamin kung may pulitikong sangkot sa ganitong uri ng operasyon para maghasik ng destabilisasyon laban sa kasalukuyang pamahalaan.(Ulat ni Joy Cantos)

Show comments