Sa ginanap na press briefing sa Camp Crame, iniharap ng mga opisyal ng PNP at AFP ang siyam sa mga nasakoteng suspect at nakilalang sina Belisario Belen, na dating may ranggong Major na na-attrite sa AFP noong 2001; dating enlisted personnel ng militar na sina Rodolfo Balbuena at Noel Cordero; miyembro ng Philippine Guardians Brotherhood na si Roberto Barba, Wilfred Penaflor,Rey Luzano, Reynaldo Hajihil, Carlos Batalla,Danilo Marcos, Rene Pamplona at sugatang si Joel Montevirgen.
Si Montevirgen ay kasalukuyang nasa kritikal na kondisyon sa East Avenue Medical Center matapos na magtamo ng tama ng baril sa katawan.
Ayon kay PNP chief Director General Hermogenes Ebdane, kasalukuyan pang iniimbestigahan kung ang mga nasakoteng suspect ay panibagong miyembro ng Kuratong Baleleng gang na pangunahing suspect sa sunud-sunod na bank robberies sa Metro Manila kabilang na ang panghoholdap sa Citibank sa Makati City noong Agosto 25.
Nabatid na dakong alas 5:30 ng umaga kahapon ng isa-isang pasukin ng mga awtoridad ang pinagtataguang mga bahay ng mga suspect sa Palar Village kasabay ng pagkakakumpiska sa mga ebidensiya laban sa mga ito.
Ang raid ay isinagawa sa bisa na rin ng 26 na search warrant na inisyu ni Executive Judge Vicente Yap ng Pasay City Regional Trial Court at Executive Judge Jose Hernandez ng Pasig City Regional Trial Court.
Nasamsam mula sa pag-iingat ng mga suspect ang dalawang M-16 rifle; apat na cal. 45; isang magnum 22; dalawang caliber .38; isang shotgun; hand grenade; airgun na naiko-convert sa cal. 22, ammunition at magazine; itim na bonnet at guwantes. (Ulat ni Joy Cantos)