Matapos ang dalawang taon, ibababa ang desisyon laban sa limang suspect ni QCRTC Judge Monina Zenarosa ng Branch 76 dakong alas-8:30.
Ang mga akusado ay nakilalang sina Zaldy Carino, Felino at Sammy Pader, Rodrigo Caringal at Jerro Garcia.
Samantala, ang sinasabing utak sa pagdukot na si Onofre Surat Jr., may-ari ng CBR Pubhouse sa Lagro, Novaliches, Quezon City at nakatakas sa detention cell makaraang arestuhin ng National Bureau of Investigation noong Hunyo 3, 2001 sa kanyang bahay sa Brgy. Pineda, Pasig City.
Lumilitaw sa rekord ng korte na dinukot at pinatay ng grupo ni Surat si Mark Harris Bacalla, anak ng yumaong QCRTC Judge na si Marciano Bacalla, habang sakay ng kanyang Honda Civic noong Mayo 2, 2001.
Bagamat pinatay na ang biktima, humingi pa rin ng ransom money na P4 milyon ang mga suspect sa ina ng biktima na si Ofelia kapalit ng bangkay nito hanggang sa maibaba sa P420,000. Ang ransom ay isinagawa sa dalawang pay-offs.
Ang ikalawang pay-off ay isinabay na rin sa entrapment sa suspect na si Carino ng mga tauhan ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG).
Matapos na maaresto si Carino, isa-isa rin nitong itinuro ang hide-out ng kanyang mga kasamahan hanggang sa ituro rin nito ang lugar kung saan nila inilibing si Bacalla sa Cuyapo, Nueva Ecija. (Ulat ni Doris M. Franche)