Ang mga biktima na kasalukuyang nagpapagaling sa Medical City sa lungsod ng Mandaluyong ay kinilalang sina Silverio Atienza, 40; asawa nitong si Jocelyn, 55; at anak na si Juliene, 11; Rosita Legaspi, 45; Maribel Papayao, 17; Rolando Onchangco, 40; Consuelo Rejano, 25; at Catherine Calamlam, 34. Ang mga ito ay nagtamo ng bali at pasa sa ibat ibang bahagi ng katawan.
Batay sa ulat, naganap ang insidente dakong alas-8:30 ng gabi sa concert ng F4 sa PhilSport Arena na matatagpuan sa St. Martin St., Brgy. Orambo, lungsod na ito.
Nabatid na nakapila sa labas ng gate ang mga biktima kasama ang napakarami pang tao na gustong makapasok sa nasabing concert nang i-announce na magsisimula na ang concert.
Dahil dito, nagkagulo ang mga tao at sabay-sabay na nagpuntahan sa gate kaya napilitang isara ng mga security guard ang pinto subalit nagpilit pa rin ang mga tao at hinatak ang nasabing gate hanggang sa matanggal ito, dahilan upang mabagsakan at matapakan ng mga rumaragasang tao ang mga biktima.
Agad na isinugod sa nasabing ospital ng mga nag-aabang na medical team ang mga biktima.
Samantala, umalis na kahapon ng bansa ang mga miyembro ng F4-2+1 matapos ang kanilang one-night concert sa Ultra.
Sumakay sina Vaness Wu Jian Hao, Ken Zhu Xian Tian, Barbie Xu (San Cai) at ang kapatid nitong si Dee Xu ng eroplanong China Airlines flight CI-632 papuntang Taiwan ng dakong alas-11:30 ng umaga.
Idinaan sila sa tamang proseso nang mag-check-in ang mga ito sa NAIA Terminal 1. Mula sa initial security check sa departure area, idinaan sa x-ray machine ang kanilang mga bitbit na bagahe, tumuloy sa China Airline check-in counter sa departure at pagkatapos ay sumailalim sa clearing process ng Bureau of Immigration counters bago pumasok ng Gate 16.
Hindi kasi ganito ang nangyari noong Biyernes matapos dumating sina Barbie at Dee, hindi sila idinaan sa Immigration kaya nagwawala ang mga BI supervisors dito. Ganoon din ang nangyari nang dumating sina Vaness at Ken dahil binigyan sila ng special treatment kaya sa emergency stairways sila idinaan pababa sa Tarmac ng paliparan. (Ulat nina Edwin Balasa at Butch Quejada)