Bus official sabit sa pamemeke ng dokumento

Isang babaeng opisyal ng isang bus company na umano’y nagtataglay ng ‘golden hands’ ang sinampahan ng kasong two-counts of falsification of public documents ng isa pang kumpanya ng bus ng dahil na rin sa panloloko.

Sa pormal na reklamong inihain ng Magic Genie Shuttle Bus ay inakusahan nito si Elena Ong ng E.S. Transport Inc. na ginamit ang kaniyang ‘golden hands’ upang palsipikahin ang deed of sale at secretary’s certificate upang palabasin sa Land Transportation Franchise and Regulatory Board (LTFRB) na direktang nabili nito ang prangkisa mula sa Dangwa Transit.

Lumilitaw sa record na noong Mayo 8, 2002 na nagbenta ang Dangwa sa Magic Genie ng 10 bus na pinagtitibay ng Certificates of Public Convinience (CPC) ng LTFRB sa halagang P4M.

Kasunod nito ay ibinenta naman ng Magic Genie ang prangkisa sa halagang P5.5 M sa ESTI subalit sa halip na ang lumabas na vendor ay ang Magic Genie ay nagawang palabasin umano ni Ong na ang nagbenta ay ang Dangwa.

Dahil dito ay napatunayan ng Magic Genie sa LTFRB na dinaya ng ESTI ang mga dokumento sa isinumiteng aplikasyon sa LTFRB. Pinalabas ni Ong na sa Dangwa at hindi sa ESTI nabili ang nasabing prangkisa. (Ulat ni Andi Garcia)

Show comments