Kinilala ni PO2 Cesar delos Reyes ang biktima na si Nelson Almazan, 29-anyos, stay-in security ng Comark International Corporation na matatagpuan sa Sta. Maria Industrial Estate, Bagumbayan, Taguig. Patay na ang biktima nang isugod sa Taguig Doctors Hospital.
Base sa ulat ng pulisya, nagsasagawa ng inspeksyon ang biktima sa warehouse ng nabanggit na pagawaan sa mga heavy equipment machines nang sitahin nito sina Amor Abener at Joselito Muaje, kapwa electrician at Lawrence de Claro, production machinist dahil sa hindi umano pagpatay sa switch ng isang malaking air compressor dakong alas-3 ng hapon noong Linggo.
Dahil dito ay nataranta ang tatlong manggagawa kaya nag-unahan pa sila sa pagpatay ng breaker ng nasabing compressor. Naiwan pa ang biktima at paikot-ikot sa tabi ng makina na iniinspeksyon nito.
Ilang saglit pa ay lumabas na ang tatlong manggagawa ay biglang sumabog ang air compressor dahilan upang magkaluray-luray ang katawan ng nasabugan na si Almazan.
Inimbita sa himpilan ng pulisya ang tatlong kasamahan ni Almazan upang hingan ng paliwanag sa nasabing pagsabog. Inaalam pa kung may naganap na foul play sa pagkamatay ni Almazan. (Ulat ni Lordeth Bonilla)