Bagamat nakaligtas sa tiyak na kapahamakan ay hindi rin pinatawad ng mga kamag-anak nito ang ginawa ng suspect kung saan ay ipinakulong rin ng kanyang mga pamilya at sinampahan ng kasong arson.
Ayon kay Caloocan City Fire Marshal Chief Inspector Agapito Nacario na dakong alas-4:20 ng hapon ng umpisahang buhusan ng gasolina at silaban ni Alvin Lanuza ang kanilang bahay sa 97 Grimaldo St., 12th Avenue Grace Park Caloocan City.
Nang mag-umpisa na umanong lumaki ang apoy ay nagkulong na ang suspect sa kanyang kuwarto dala pa ang isang tasa ng kape.
Isang kapitbahay ang nakakita sa lumalaki nang apoy at sa suspect na nasa loob pa ng kanyang kuwarto kung kaya agad itong humingi ng tulong sa ilan pa nilang kapitbahay para ito masagip.
Ayon kay Nacario muntik na rin umanong madamay ang mga tumulong sa suspect na kapitbahay dahil sa pagpupumiglas nito at pagtutol na lumabas sa nasusunog nilang bahay.
Napag-alaman pa na dalawang beses na umanong ginawa ng suspect ang panununog at tangkang pagsunog sa sarili sa tuwing ito ay bangag sa droga.
Agad namang naagapan ang paglaki ng sunog subalit hindi na pinatawad ng kanyang kaanak ang suspect at tuluyan na itong ipinakulong. (Ulat ni Rose Tamayo)