Pulis sabog ang bungo sa ambush

Inambus at napatay ng isang hindi nakikilalang suspect ang isang beteranong pulis, kahapon ng hapon sa lungsod ng Maynila.

Dead-on-the-spot ang biktimang si SPO4 Danilo Reyes, kasalukuyang nakatalaga sa National Capital Region Police Office (NCRPO) sa Bicutan, Taguig.

Sa paunang ulat ng WPD-Homicide Division, nabatid na naganap ang insidente dakong alas-2:45 ng hapon sa kanto ng Hermosa at Saavedra Sts., Tondo.

Naglalakad umano ang biktima sa naturang mataong lugar nang bigla na lamang makarinig ng sunud-sunod na putok ng baril ang mga tao. Nakita na lamang ng mga saksi ang biktima na duguang nakahandusay, habang walang anumang nangyaring naglakad papalayo ang suspect.

Kinukunan ngayon ng detalye ang mga saksi upang makabuo ng cartographic sketch sa naturang gunman, habang inaalam pa ang mga posibleng motibo rito. (Ulat ni Danilo Garcia)

Show comments