Goma at Jinggoy nagkabati na

Bati na ang dalawang aktor na sina Richard Gomez at dating San Juan Mayor Jinggoy Estrada matapos na tanggapin ng una ang paghingi ng tawad ng huli makaraang magkaharap ang dalawa sa kauna-unahang pagkakataon sa Antipolo Prosecutor’s Office kahapon ng hapon.

Ang primary investigation ay itinakda dakong alas-2 ng hapon at naunang dumating si Goma ng dakong alas-2:10, sumunod naman si Jinggoy matapos ang 30 minuto.

Nag-umpisa ang pagdinig sa kaso sa sala ni City Prosecutor Lorna Lee dakong alas-2:50 ng hapon.

Pinalabas ni Lee sa kanyang opisina ang mga abogado ng dalawa at silang tatlo lamang ang nagharap sa opisina.

Tumagal ng halos kalahating oras ang pag-uusap ng tatlo hanggang sa lumabas sa opisina ng Huwes ang dalawa at ipinahayag sa kanilang mga abogado na nagkaayos na silang dalawa.

Nagpasalamat naman si Jinggoy kay Goma nang tanggapin ng huli ang kanyang paghingi ng paumanhin sa nagawa niya sa nakaraang Star Olympics. (Ulat ni Edwin Balasa)

Show comments