Hindi na umabot ng buhay sa Tondo General Hospital dahil sa pagtatamo ng ibat ibang tama ng bala sa katawan ang biktimang si Cecilia Ramos, 37, ng Callejon F, Lucban St., Gagalangin, Tondo.
Sa ulat ng WPD-Homicide Division, naganap ang insidente dakong alas-9 ng umaga sa kahabaan ng Cavite St., Gagalangin.
Nabatid na nag-aabang na ng sasakyan ang biktima papasok sa kanyang trabaho nang huminto sa kanyang harapan ang isang kulay berdeng Isuzu Crosswind (SAF-808).
Agad na pinaputukan ng mga suspect ang biktima at tinangay ang bitbit na bag nito bago nagsitakas sa hindi nabatid na direksyon.
Narekober ng mga imbestigador ang tatlong basyong bala ng kalibre .45 na ginamit sa krimen.
Isang masusing imbestigasyon ngayon ang isinasagawa ng mga awtoridad sa anggulo ng pamamaslang kung saan posible umanong tinangay lamang ng mga suspect ang bag ng biktima upang palabasin na panghoholdap ang motibo ng krimen.
Duda ang pulisya na maaaring may kinalaman sa iregularidad sa Caloocan City Hall ang krimen matapos na sabihin ng ilang saksi na kulay pula ang plaka ng van na ginamit ng mga suspect na posibleng sasakyan ng gobyerno. (Ulat ni Danilo Garcia)