Nang-hostage ng bata patay sa pulis

Isang lalaki na bangag sa ipinagbabawal na gamot ang napatay nang pagbabarilin ng mga kagawad ng pulisya makaraang i-hostage at saksakin ang isang bata kahapon ng umaga sa lungsod ng Marikina.

Patay na nang idating sa Rodriguez Medical Center sanhi ng tama sa noo at iba’t ibang bahagi ng katawan ang suspect na kinilala lamang sa alyas na Garry Boy, samantalang ginagamot din sa naturang ospital ang biktimang si Jennifer Ricario, 12, estudyante, residente ng Capitol A. Riverside View, Barangay Parang ng nasabing lungsod na nagtamo ng dalawang malalim na sugat sa dibdib.

Batay sa ulat naganap ang insidente dakong alas-10:15 ng umaga sa kahabaan ng Lower Balite, Brgy. Parang ng nasabing lungsod.

Nabatid na papasok sa eskuwelahan ang biktima at habang ito ay nag-aabang ng masasakyan ay biglang dumating ang suspect na bangag sa ipinagbabawal na gamot at bigla na lamang dinakma ang una.

Kinaladkad ng suspect ang biktima sa malapit na waiting shed at tinutukan ng dalawang patalim sa dibdib.

Nagsisigaw ang biktima na ikinatawag ng pansin ng mga residente sa lugar kaya’t humingi ng responde sa pulisya na mabilis namang dumating.

Tumagal ng halos dalawang oras ang negosasyon ngunit wala namang hininging anuman ang suspect na ayaw pang pakawalan ang biktima kung kaya napilitan ang pulisya na gumalaw na.

Nakakuha ng tiyempo ang pulisya at nabaril ang suspect. (Ulat ni Edwin Balasa)

Show comments