Prado ng broadcaster ng ABS-CBN kinarnap

Kinarnap ng isang grupo ng kalalakihan ang sasakyan ng broadcaster na si Cito Beltran ng ABS-CBN kamakalawa ng gabi habang nakaparada ito sa harap ng nasabing tanggapan sa Mother Ignacia St. sa Quezon City.

Kahapon ay nagtungo ang naturang broadcaster sa Kamuning Police Station para ireport ang pagkawala ng kanyang kulay asul na Toyota Prado na may plakang XFB-898.

Ayon kay Beltran, dakong alas-9 ng gabi nang iparada niya ang sasakyan sa naturang lugar at dakong alas-12 ng hatinggabi nang siya ay lumabas at natuklasan niya na nawawala na ito.

Binanggit pa ni Beltran na posibleng habang nag-aanchor siya sa late news ay doon nakulimbat ang kanyang sasakyan.

Inalarma naman ang puwersa ng pulisya para agad na mabawi ang naturang sasakyan. (Ulat ni Doris Franche)

Show comments