Ang inireklamo sa tanggapan ng PNP-Directorate for Investigative and Detective Management (DIDM) ay si P/Chief Supt. Restituto Mosqueda, Chief ng PNP-Crime Laboratory.
Si Mosqueda ay iniimbestigahan matapos ipagharap ng reklamo ng driver/security nito na si PO1 Czar Gerolaga.
Sa kanyang sinumpaang affidavit, sinabi ni Gerolaga na inutusan umano siya ni Mosqueda na bumili ng pagkain sa isang eatery na matatagpuan sa 13th Avenue, Murphy, Quezon City at pinatawagan din sa kanya ang apat na bagong recruit na nakatalaga sa tanggapan nito para ihatid naman ang apo ng opisyal sa eskuwelahan.
Habang daan ay nakita umano ni Gerolaga ang isa sa mga recruit na tinukoy lamang nito na si Police Trainee Villamayor kung saan ay ipinarating nito ang utos ng nasabing heneral.
Kasalukuyang patungo na sa eatery si Gerolaga nang tawagan ito ni Mosqueda at pagmumurahin kung saan ay hinahanap umano nito ang mga police recruits.
Nang dumating umano si Gerolaga sa opisina ni Mosqueda sa Crime Laboratory ay galit na galit ito at pinagbabato siya ng pandesal.
Hindi pa nakuntento ay tumayo pa umano ang opisyal at pinagsasampal nang matindi sa pisngi ang nasabing pulis na muling nakatikim ng pagmumura nito.
Sa kabila ng sama ng loob at nasaktan sa sobrang pagkapahiya ay minabuti na lamang umano ni Gerolaga na huwag nang patulan si Mosqueda at daanin na lamang sa tamang channel ang reklamo niya laban dito. (Ulat ni Joy Cantos)