Inillipat ng ABS-CBN ang Meteor Garden sa kanilang timeslot na 5:30-6:00 ng gabi, Lunes-Biyernes at 11-12 ng tanghali para sa rewind tuwing Sabado at Linggo.
Naniniwala sina Manila 1st Councilor Isko Moreno, 6th Dist. Councilor Lou Veloso, Cita Astals at Robert Ortega, kapwa mula sa 5th District, na hindi maganda para sa naghihingalong industriya ng local television at sa mga artista ang sobra-sobrang paghahari ng mga banyagang palabas sa Pilipinas.
Hindi rin kinapupulutan ng magandang aral ang pagpapalabas sa Meteor Garden dahil maliwanag na hindi bumabagay sa kulturang Pinoy ang tampok ng pelikula.
Sinuportahan naman ng presiding officer ng Manila City Council Vice Mayor Danilo Lacuna ang diskurso ng apat na artistang pulitiko dahil halos 90% ng manonood ay nahuhumaling sa banyagang palabas sa halip na tangkilikin ang gawang Pinoy na pelikula.
"Dapat ipaalam natin ang kabutihan ng pagtangkilik sa sariling atin sa mga mamamayang Pilipino. Kapansin-pansin na ang paghahari ng mga banyaga sa local television, dahil dito nawawalan na ng hanapbuhay ang mga lokal na artista natin," wika ni Lacuna. (Ulat ni Gemma Amargo)