Sa ulat ni Police Supt. Efren Labiang, hepe ng 1st Regional Aviation Security Office kay Sr. Supt. Andres Caro II, director ng PNP-ASG, nakilala ang OFW na si Felisa Panopio, 30, isang domestic helper sa Italy at tubong San Pascual, Batangas.
Si Panopio ay nakatakda sanang umalis patungong Italy noong Biyernes ng gabi sakay ng Lufthansa flight LH 745 nang masakote ng mga awtoridad sa West Initial Security Checkpoint sa departure area ng NAIA.
Ayon sa mga imbestigador, habang dumadaan sa x-ray machine ang bagahe ng pasahero, nakita ni Elizabeth Agliam, isang non-uniformed personnel na nakatalaga bilang x-ray operator, ang kakaibang imahe sa takong ng kulay itim na sapatos na nakapaloob sa bagahe ng una.
Kaagad na ipinagbigay-alam ni Agliam ang kanyang nakita kay SPO4 Orlando Daniega at sa harapan ng pasahero ay binuksan ang maleta.
Tumambad sa mga awtoridad ang plastic sachet na naglalaman ng shabu nang tanggalin ang takong ng sapatos.
Kaagad na dinala ang pasahero sa PDEA-NAIA at sumasailalim sa masusing imbestigasyon upang alamin kung sino ang source ng shabu, samantalang inihahanda naman ang kaukulang kaso laban dito dahil sa paglabag sa RA 9165 o ang Comprehensive Drug Act of 2002. (Ulat ni Butch Quejada)