Hindi na inabutan ng mga awtoridad ang mga suspect matapos looban ng mga ito ang Union Bank sa panulukan ng Banawe at E. Rodriguez St. sa Quezon City dakong alas-2 ng hapon.
Tinatayang aabot sa P2.5 milyon ang natangay ng mga suspect sa isinagawang 30 minutong panghoholdap.
Ayon pa sa ulat, tatlo sa mga suspect ang unang pumasok sa bangko at nagpanggap na mga depositor.
Kumuha pa ang mga ito ng number sa kinatatayuan ng security guard at nang tinawag ang kanilang numero ay mabilis na lumapit ang mga ito sa bank teller na agad na nilang tinutukan ng baril, maging ang nag-iisang security guard.
Ilang saglit pa ay mabilis nang pumasok ang dalawa pang kasamahan ng mga suspect, habang isa pa ang naghihintay sa loob ng kanilang get-away vehicle na isang L-300 van na walang plaka.
Matapos mabuksan ang vault at makuha ang pera ay agad na tumakas ang mga suspect na pawang nakasuot ng military cap.
Inaalam pa ng pulisya kung ang grupong ito rin ang siyang pumasok sa Nova Mall at sa Ever Gotesco sa Quezon City na doon nagsagawa rin ang mga ito ng panghoholdap.(Ulat ni Doris Franche)