Policewoman inararo ng trak

Isang policewoman ang nasawi makaraang araruhin ng trak habang tumatawid kahapon ng tanghali sa Taguig.

Patay na nang idating sa Taguig Pateros District Hospital ang biktima na nakilalang si PO3 Hadja Julma Ararudin, 48, ng MB, 303 PDS Diego Silang, Brgy. Ususan, Taguig at nakatalaga sa Directorate Personnel Research Management (DPRM) sa Camp Crame.

Agad namang nadakip ang suspect na nakilalang si Reynaldo Rosales-Cordin, 35, ng San Isidro, Angono, Rizal.

Batay sa imbestigasyon ng pulisya, naganap ang insidente dakong ala-1:05 ng tanghali sa kahabaan ng C-5 Road, Taguig.

Tumatawid ang biktima nang hindi nito namalayan ang humaharurot na 6-wheeler truck na may plakang CRK-241 na minamaneho ni Cordin.

Huli na nang makontrol ni Cordin ang preno ng trak hanggang sa masagasaan at makaladkad nito ang biktima. (Ulat ni Lordeth Bonilla)

Show comments