Bangkay ng Marine dinukot sa burol

Binalot ng kaguluhan ang nagaganap na burol sa nasawing tauhan ng Phil. Marine matapos na tangayin ng mga armadong kalalakihan na hinihinalang mga sundalo rin ang bangkay kasama ang anak nitong lalaki, kamakalawa ng gabi sa lungsod ng Maynila.

Ayon sa ulat, naganap ang insidente dakong alas-9:30 ng gabi sa burol ni Marine T/Sgt. Julian Estrada, 46, sa Cristobal St., Madrigal Compound, Paco, Maynila.

Ayon kay Patria Estrada, asawa ng namayapa, dumating umano ang isang 6x6 na truck na sakay ang may 20 armadong sundalo at hinawi ang mga taong naglalamay.

Walang kasabi-sabing binuhat ng mga lalaki ang ataul na kinalalagyan ng bangkay ni Sgt. Estrada at saka isinakay sa truck. Pumalag umano ang anak nitong si Jerome, 17, at dahil dito sapilitan din siyang isinama ng mga suspect.

Nabatid na pinamumunuan umano ng isang Col. Estrada at isang Capt. Camacho ang operasyon na nagsabi umanong sa Fort Bonifacio nila ito ibuburol.

Ayon sa ginang, nasawi ang kanyang mister nitong Hunyo 13 dahil sa sakit na kanser. Nang sila ay nasa pagamutan pa isang babae ang nagtungo roon na nagpakilalang asawa rin ng namayapa.

Posible umanong may kinalaman ang babaing ito sa pagkuha o pagdukot sa bangkay ng kanyang asawa. (Ulat ni Danilo Garcia)

Show comments