Nakilala ang suspect na lotto winner na si Luisito delos Reyes, na sinasabing nanalo ng P38 milyon sa lotto noong Setyembre ng nagdaang taong.
Dinakip si delos Reyes makaraang isigaw ng unang nadakip na hired killer na si Ramil Gonzales, 36, ng Pulilan Bulacan na umanoy siyang nag-utos sa kanya para patayin ang isang Johnny Tuano, 31, ng Parkland Subd., Brgy. Malanday, Marikina City.
Batay sa ulat, naganap ang pagpaslang kay Tuano dakong alas-2 ng madaling- araw sa loob ng Bong-Bong Billiards na matatagpuan sa Jocson St., Barangay Malanday.
Nakatambay umano doon ang biktima ng dumating ang suspect na si Gonzales at walang habas na pinaulanan ng putok ng baril ang una. Pitong tama ng bala ng baril ang tinamo ni Tuano.
Hinabol ng mga tambay ang suspect at inabutan.
Sa isinagawang interogasyon isinigaw nito na inupahan lamang siya ni delos Reyes para patayin si Tuano. Ito rin umano ang nagbigay ng baril sa kanya para sa isasagawang krimen.
Agad na isinagawa ang pagdakip kay delos Reyes na hindi naman nagbigay ng anumang komento tungkol sa pagsasangkot sa kanya sa krimen.
Hindi pa rin mabatid kung ano ang motibo sa isinagawang pagpaslang sa biktima.
Kapwa nakakulong at sasampahan ng kaukulang kaso sina delos Reyes at Gonzales.(Ulat ni Edwin Balasa)