Barangay tanod binaunan ng bala sa pagitan ng mata

Isang kagawad sa barangay ang namatay matapos na baunan ng bala sa pagitan ng kanyang mga mata ng isang miyembro ng ‘Scooter gang’, kamakalawa ng gabi sa lungsod ng Maynila.

Nakilala ang nasawi na si Gerardo Jose, 45, ng Barangay 71 Zone 6, Tondo ng naturang lungsod.

Mabilis namang tumakas ang suspect matapos ang insidente.

Ayon sa ulat, naganap ang insidente dakong alas-10:30 ng gabi sa kahabaan ng Torres Bugallon St., Tondo.

Naka-duty umano sa barangay hall ang biktima nang humingi ng tulong ang isang Rogelio Osero upang maaresto ang isang Rommel Abulok na nagnakaw ng scooter ng kanyang anak.

Mabilis namang rumesponde ang biktima kasama ang lima pang tanod at inimbitahan si Abulok upang magbigay ng paliwanag sa reklamo.

Naglalakad na sila pabalik sa barangay hall nang biglang dumating ang isang scooter sakay ang hindi nakikilalang lalaki at agad na pinaputukan ang grupo ng kagawad. Tinamaan si Jose sa pagitan mismo ng dalawang mata habang mabilis namang tumakas ang suspect. (Ulat ni Danilo Garcia)

Show comments