Tsinoy pumalag sa holdap, pinatay

Isang 28-anyos na Fil-Chinese ang nasawi makaraang holdapin at pagbabarilin ng tatlong hindi pa nakikilalang salarin, kamakalawa ng hapon sa Pasay City.

Namatay habang ginagamot sa San Juan de Dios Hospital ang biktima na nakilalang si Alex Cua, ng Zamora St., Pasay City sanhi ng tinamong mga tama ng bala ng baril sa ibat-ibang parte ng katawan.

Base sa report ng pulisya naganap ang insidente dakong alas-5:30 ng hapon sa kahabaan ng Zamora St. sa nabanggit na lungsod habang ang biktima ay nag-aabang ng masasakyan papunta sa bahay ng kaanak sa Binondo ng bigla na lamang itong lapitan ng mga suspect.

Pilit na kinuha ng mga suspect ang clutch bag ng biktima na naglalaman ng P30,000 subalit nanlaban ang huli dahilan upang paputukan siya ng isa sa mga suspect.

Matapos humandusay ang biktima ay mabilis na nagsitakas ang mga salarin dala ang pera ng nasawi. (Ulat ni Lordeth Bonilla)

Show comments