Ayon kay Atty. Roy Almoro, executive director ng Bureau of Immigration and Deportation (BID), sinabi nitong pinadalhan na nila ng imbitasyon sina Cindy Corneto, co-host sa Masayang Tanghali Bayan (MTB) at si Tanya Marie Falsen, co-host sa Lunch Break sa Channel 13, na kapwa Australian nationals dahil sa pagtatrabaho sa bansa ng walang kaukulang working permit.
Ayon kay Almoro, lumalabas sa isinagawang imbestigasyon ng kanilang mga tauhan na ang dalawa ay kapwa nagtataglay ng tourist visas at hindi nagawang mag-apply ng kanilang working visas at alien employment permit mula sa DOLE.
Noong Martes umano ay naipadala na ang imbitasyon sa dalawa at binigyan nila ang mga ito ng isang linggong palugit para lumutang sa bureau at kung hindi sila lulutang ay irerekomenda niya ang pag-aresto sa mga ito. (Ulat ni Jhay Mejias)