Sa inisyal na ulat na nakarating sa tanggapan ni Supt. Jose Ramon Salido, hepe ng CID ng Makati City Police nakilala ang nasawing biktima na si Emiliano Familiar, 28, ng Muntinlupa City. Patay na ito nang idating sa Makati Medical Center sanhi ng tinamong ilang tama ng bala ng baril sa ibat ibang bahagi ng katawan.
Samantala nasa malubhang kalagayan naman ngayon ang isa pang biktima na si Arturo Alvin Aguilar na sinasabing pamangkin naman nina Las Piñas Congresswoman Cynthia Villar at Las Piñas Mayor Vergel "Nene" Aguilar.
Pansamantalang hindi muna binanggit ang pangalan ng suspect na hinihinalang isa sa estudyante ni Familiar na mabilis na tumakas matapos ang isinagawang pamamaril.
Ayon sa inisyal na ulat, naganap ang insidente dakong alas-3:15 ng madaling-araw sa harapan ng Olive Bar sa Makati Avenue, Makati City.
Nakatayo ang mga biktima sa harap ng bar nang biglang sumulpot ang isang kulay pulang Honda CRV na may plakang WPD-506 na doon sakay ang suspect at walang sabi-sabing pinagbabaril ang mga biktima.
Lumalabas sa inisyal na imbestigasyon na dating alitan sa larong basketball ang motibo sa isinagawang pagpaslang sa biktima. Samantala patuloy pa rin ang isinasagawang imbestigasyon sa naturang kaso. (Ulat ni Lordeth Bonilla)