Pinag-iingat ng pulisya ang publiko sa umanoy kumakalat na killer gin na ikinamatay na ng pito katao, ikinabulag ng isa, habang dalawa pa ang naospital matapos na makainom nito.
Ayon sa nakalap na ulat, isang grupo umano ng namemeke ng alak ang hinahanting ngayon ng pulisya upang papanagutin sa pagkamatay nila Danilo Santos, 53; Gomer Gore, 53; Geone Beringia, 37; Juan Carpio, 35 at Nestor Rosal na pawang magkakapitbahay sa Anonas Road, Malabon.
Makalipas ang dalawang linggo dalawa na namang katao ang inutas ng naturang killer gin at ang mga ito ay nakilalang sina Jaime Rama, 40, at Renato Consuelo, 40, ng East Riverside, Potrero, Malabon City.
Samantalang si Armando Cotura na kasama nila Rama at Consuelo sa inuman na bagamat nabuhay ay tuluyan namang nabulag.
Dalawa pa nilang kainuman ang naospital at ito ay nakilalang si Melchor Calderon, 35, at Rodrigo Caniega.
Ayon sa pulisya, posibleng ang nainom ng mga biktima ay ang pinekeng Ginebra Gin. Napag-alaman pa na matagal na umanong nag-ooperate ang nasabing grupo hindi lamang sa Malabon City kundi sa iba pang karatig lugar ay nagpapakalat ng mga pekeng alak.
May lead na umano ang pulisya kung sinu-sino ang nasa likod ng pamemeke ng ibat-ibang klase ng alak na naging dahilan ng kamatayan ng mga biktima.
Kasalukuyan ding nagsasagawa ng imbestigasyon ang pulisya ng Malabon sa dalawang may-ari ng tindahan na pinagbilhin ng gin ng mga biktima para matunton kung saan nila binili o kinuha ang mga ibinenteng gin.
Samantala, mahigit sa 30 bote ng gin ang kinolekta ng mga tauhan ng pulisya sa ibat ibang sari-sari store sa Malabon at ito ay kanila ng ipinasuri sa Bureau of Food and Drugs. Hinihintay pa ang resulta ng isinagawang eksaminasyon. (Ulat ni Rose Tamayo)