Lola namatay sa lamig

Bunga ng lamig dulot ng sunud-sunod na pag-ulan dala ni Chedeng, isang lola ang natagpuang patay kahapon ng umaga sa lungsod ng Maynila.

Ayon sa imbestigasyon ng pulisya, dakong alas-6 ng umaga nang matagpuan ni Ramon Macabangan, isang delivery man, ang biktimang nakilala lamang sa pangalang Lola Sanang na naghihingalo pa sa panulukan ng Dimasalang at Aragon Sts. sa nasabing lungsod.

Agad itong humingi ng tulong sa mga barangay tanod upang saklolohan ang matanda ngunit patay na ito nang kanilang madatnan.

Nabatid na walang kamag-anak ang biktima at palipat-lipat lamang ito ng masisilungang bangketa.

Subalit ayon naman sa ilang mga saksi napansin nila na ilang araw ng may sakit ang biktima simula nang mag-uulan. Posibleng nagkaroon ito ng trangkaso at walang gamot na iniinom hanggang sa manghina. (Ulat ni Danilo Garcia)

Show comments