Singaporean na nagpakamatay iuuwi sa kanilang bansa

Hindi na ipinasailalim pa sa awtopsiya ang bangkay ng Singaporean na nag-suicide kamakalawa ng umaga sa isang condominium sa Annapolis St., Greenhills, San Juan at sa halip ay iuuwi na lamang ito sa Singapore ng kanyang mga magulang.

Ayon kay Supt. Vladimir Villaseñor ng PNP Crime Laboratory, kinuha na sa Camp Crame ni James Bey Li Yuan, ama ng biktima, ang bangkay ng kanyang anak na si Abby Bueno Bey Li Yuan makaraang tumalon ito sa Platinum 2000 kamakalawa ng umaga.

Ang biktima na ilang buwan nang buntis ay kaga-graduate lamang bilang valedictorian sa Reedley International School sa Pasig City.

Sinabi ni Villaseñor na pumirma na lamang ng waiver sa PNP-Crime Lab ang ama ng biktima na iuuwi na lamang ang bangkay sa Singapore.

Samantala, nababalot naman ng takot ang mga naninirahan sa Platinum 2000 dahil nagmimistula umano itong "death condo" dahil na rin sa ginawa ring pagpapakamatay ng dating aktres at beauty queen na si Ma. Theresa Carlson noong Nobyembre 23, 2001 mula sa ika-9 na palapag.

Bukod kina Carlson at Li Yuan, isa pang sibilyan ang tumalon at nagpakamatay din sa naturang gusali. (Ulat ni Joy Cantos)

Show comments