Magugunitang nasawi sa naturang insidente sina Gomer Corre, 33; Geone Beringia, 37; Danilo Santos, 53; Juan Carpio, 35 at Nestor Rosal, 46, na pawang residente ng Anonas St., Potrero, Malabon na agad na nasawi habang nilalapatan ng lunas sa Jose Reyes Memorial Hospital Center isang oras matapos na makainom ng gin na hinaluan ng lason. Isa pa sa nasawi ang hindi pa nakikilala.
Himala namang nakaligtas sa kamatayan si Oscar Cabales, 33, na uminom ng langis na hinaluan ng pulang asukal na umanoy kumontra sa lason.
"Nang makainom ako ng kaunti, nalasahan ko na iba ang lasa ng gin kaya hindi ko na inubos at agad kong itinapon. Maya-maya ay nakaramdam na ako ng pananakit ng ulo, dibdib, tiyan at bumula ang bibig ko kaya uminom agad ako ng langis na may asukal, kaya agad kong naisuka ang nainom ko", pahayag pa ni Cabales.
Sa panayam ng PSN sa ilang kaanak ng mga biktima, isang hindi kilalang babae na inilarawan lamang sa pisikal na anyong pandak, banlag, mataba at kulot ang buhok ang nagbigay ng gin sa mga biktima habang ang mga ito ay nag-iinuman.
Ilang minuto lamang matapos ang tig-iisang tagay ay parang mga manok na ang mga ito na nagsibagsakan sa lupa at nangisay at pawang bumubula ang mga bibig.
Ayon pa sa mga kapitbahay, huling nakita ang mga biktima na inaawat ang dalawang babae na nag-aaway dahil sa tubig. Isa dito ay ang babaeng nagbigay ng may lasong gin sa mga biktima.
Patuloy pa rin ang isinasagawang imbestigasyon ukol dito. (Ulat ni Rose Tamayo)