Habambuhay sa bodyguard ni Robin Padilla

Habambuhay na pagkabilanggo ang inihatol kahapon ng Pasay City Regional Trial Court (RTC) sa bodyguard at karate instructor ng action star na si Robin Padilla sa kasong pagbaril at pagpatay sa isang extra sa pelikula noong Marso 1998.

Base sa siyam na pahinang desisyon ni Pasay City Judge Eleuterio Guerrero ng Branch 116, hinatulan ng habambuhay ang akusado na si Allan Ogaya na napatunayang bumaril at nakapatay sa biktimang si Romeo Chandumal.

Bukod dito, pinagbabayad din ng hukuman ang akusado ng halagang P945,000 bilang danyos sa mga naiwan ng biktima.

Base sa rekord ng korte, naganap ang insidente sa Concepcion St., Pasay City noong nakalipas na Marso 13, 1998 dakong alas-4 ng hapon.

Nabatid na nagalit ang akusado matapos siyang singilin ng utang ng biktima.

Mabilis itong tumakas matapos ang isinagawang krimen at nadakip habang nagsu-shooting ng pelikula ni Padilla na "Hari ng Selda" sa National Bilibid Prisons sa Muntinlupa City. (Ulat ni Lordeth Bonilla)

Show comments