Dambuhalang elepante tumakas, gumala sa QC

Malubhang nasugatan ang isang trainor na Thailander makaraang dambahin ng nagwawalang 2.5 toneladang elepante kahapon ng tanghali sa Araneta Center sa Cubao, Quezon City.

Si Lun Salangam, trainor ng 21-anyos na Asian elephant na si Dumbo ay isinugod sa hindi pa batid na pagamutan dahil sa tinamo nitong sugat at pagkadagan ng dambuhalang elepante sa kanyang dibdib.

Dahil sa hindi makontrol ang dambuhalang elepante, agad itong kumawala at nagawang makalabas ng quarters. Binaybay nito ang kahabaan ng Cubao patungong Ramon Magsaysay at E. Rodriguez hanggang sa tuluyang masukol ito sa kanto ng Timog at Kamuning.

Gayunman, ilang sasakyan din ang nasagi ni Dumbo sa kanyang ginawang pagtakas sa kulungan bago ito tuluyang napagod at huminto sa may Timog. Nagpiyesta rin ang mga residente dahil sa nakitang live show ni Dumbo.

Base sa nakalap na impormasyon, dakong alas-12 ng tanghali nang bigla na lamang umanong magwala si Dumbo habang nagsasanay para sa gaganaping Elephant Show ngayong gabi.

Makaraang huminto ang dambuhalang elepante ay agad itong pinakain ng saging at saka pansamantalang ikinadena. Nahihirapan ang mga awtoridad kung paanong ibabalik sa kulungan ang dambuhalang elepante.

Napag-alaman na dahil sa sobrang init ng panahon ang dahilan kaya’t nagwala si Dumbo at tumakas. (Ulat ni Doris Franche)

Show comments