Driver dedo sa kainuman

Hindi akalain ng isang taxi driver na ang pagiging pihikan nito sa pulutan ang siyang magiging dahilan ng maaga nitong kamatayan matapos na pagtulungang saksakin ng dalawang kainuman kamakalawa ng gabi sa Tala, Caloocan City.

Sa ulat ng Caloocan City Police Sub-Station 3, patay na nang idating sa Jose Reyes Medical Center ang biktima na nakilalang si Wilfredo Rapamot, 47, may-asawa, at nakatira sa 768 Barracks 2, Tala, nasabing lungsod.

Pinaghahanap ang mga suspect na sina Armando Caramot, 33, fish vendor, ng 836 Barracks 2 at Nilo Carpenter, nasa hustong gulang, tricycle driver at nakatira sa St. Joseph Avenue, Tala.

Dakong alas-7:30 ng gabi habang nag-iinuman ang biktima at mga suspect sa bahay ng isang nagngangalang Perlita Ingat nang magtalo ang mga ito dahil sa pagiging pihikan ng biktima sa inihaing pulutang mani. Ikinatuwiran ng biktima na magkakataghiyawat ito kapag kumain ng mani. Nagalit ang dalawang suspect at inundayan ng saksak ang biktima. (Ulat ni Rose Tamayo)

Show comments