Humalay, pumatay sa crew ng Jollibee arestado

Nadakip na kahapon ng mga tauhan ng Makati City Police ang isang 21-anyos na lalaki na pinaniniwalaang sangkot sa panghahalay at pagpaslang sa isang crew ng Jollibee Food Chain na naganap sa may MRT Station kamakailan.

Kinilala ni SPO4 Jake Reyes, hepe ng Special Operation Group (SOG) ng Makati City Police ang suspect na si Andrew Perdis, ng Laperal Compound, Barangay Guadalupe Viejo ng nabanggit na lungsod.

Nabatid na si Perdis ay sinasabing sangkot sa panghahalay at pagpaslang sa crew ng Jollibee na si Melba Espallarda na naganap noong Oktubre 25, ng nakalipas na taon sa may MRT Guadalupe Station sa nabanggit na lungsod.

Si Perdis ay kilala sa kanilang lugar na isa umanong kilabot na holdaper, snatcher at may kaso pang pagpaslang sa Maynila.

Ang suspect ay nadakip kahapon ng madaling-araw sa may Laperal Compound matapos itong sitahin dahil sa kahinahinalang kilos. Nakumpiska din dito ang isang hindi lisensiyadong baril na pinaniniwalaang ginagamit nito sa ilegal na operasyon. (Ulat ni Lordeth Bonilla)

Show comments